COLLEGE OF MEDICINE NG NEUST, TUMATANGGAP NA NG MGA APLIKANTE PARA SA A.Y 2025-2026
Isang makasaysayang hakbang ang tinahak ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) matapos aprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagbubukas ng College of Medicine ng unibersidad, na magsisimula ngayong darating na Academic Year 2025–2026.
Sa bisa ng CHED Commission en Banc Resolution No. 386-2025 na inilabas noong May 13, 2025, pinayagan ang NEUST na magpatakbo ng unang at ikalawang taon ng Doctor of Medicine (M.D.) Program, dahilan upang maging kauna-unahan itong state university sa Nueva Ecija na mag-aalok ng programang pangmedisina.
Sa facebook post ng Nueva Ecija University of Science and Technology ay ipinahayag ni University President Dr. Rhodora Jugo na ang pagkakatatag ng College of Medicine ay isang simbolo ng pag-unlad at layunin.
Ang pagbubukas ng programang medikal ng NEUST ay alinsunod sa layunin ng Republic Act No. 11509 o “Doktor Para sa Bayan Act”, na naglalayong dagdagan ang bilang ng mga doktor sa mga lugar na kulang sa serbisyong medikal.
Layunin ng NEUST na bigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng may pangarap maging doktor, lalo na ang mga nagmula sa mahihirap na sektor at kanayunan, upang makapag-aral ng medisina at makapaglingkod sa kanilang mga komunidad.
Bago aprubahan, sumailalim ang NEUST sa masusing ebalwasyon ng CHED Regional Quality Assurance Team (RQAT) at ng Technical Panel for Medical Education (TPME) noong Abril 10, 2025.
Sinuri ang mga aspeto tulad ng kurikulum, kwalipikasyon ng mga guro, pasilidad ng laboratoryo, at pakikipag-ugnayan sa mga ospital.
Inaanyayahan ang mga kwalipikadong estudyante na amging bahagi ng pioneering batch ng NEUST College of Medicine para sa taong panuruan 2025–2026.
Narito ang mga kailangang isumite:
- Liham ng Aplikasyon
- Diploma at Transcript of Records mula sa 4-year Allied Health program
- Sertipiko ng Class Ranking (GWA 80% pataas)
- General Information Sheet
- Dalawang 2×2 ID picture
- PSA Birth Certificate
- Application fee: ₱500.00
- Health Clearance
- NMAT score na hindi bababa sa 60% (valid sa loob ng 2 taon)
- Dalawang Recommendation Letter: mula sa admin/professor at mula sa Guidance Office o Student Welfare Office
Tatanggap ng aplikasyon mula Hunyo 2-30, 2025 sa College of Medicine Office, 1st Floor, AD Building, NEUST Gen. Tinio Campus.
Paalala ng eskwelahan, tanging kumpletong aplikasyon lamang ang tatanggapin at hindi tatanggapin ang anumang appeal for reconsideration.

