COMELEC: 1-M BOTANTE NA NAGPAREHISTRO NG MARAMING BESES, POSIBLENG SAMPAHAN NG KASO
Posibleng samapahan ng kaso ng Commission on Elections o COMELEC ang mahigit isang milyong rehistradong botante na mayroong double o multiple registration.
Sinabi ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia na sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System o isang sistema na gumagamit ng biometric data ay nadiskubre ang botanteng nagparehistro ng maraming beses mula Hulyo 15 hanggang Setyembre 30.
Dahil dito, hindi na papayagan pang bumoto sa nalalapit na national, local and Bangsamoro Parliamentary Elections sa Mayo 2025 ang mga natukoy na botante.
Maaari rin silang matanggal sa listahan ng COMELEC at mapatawan ng election offense na may katumbas na 1 hanggang 6 na taong pagkakakulong para sa double registrant.
Sa datos ng COMELEC, mayroon nang 68,618,667 rehistradong botante sa buong bansa hanggang sa pagtatapos ng registration noong September 30.

