Nagsagawa ng libreng Basic Life Support (BLS) training ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Nueva Ecija bilang bahagi ng National Disaster Resilience Month.
Ginanap ang training noong Hulyo 22 at Hulyo 29, 2024 sa Old Capitol, Cabanatuan City, Nueva Ecija na dinaluhan ng 25 health care workers mula sa iba’t-ibang bahagi ng Nueva Ecija.
Ayon kay PDRRMO Chief Michael Calma, mahalaga na matutunan ng publiko ang BSL tulad ng pagbibigay ng CPR upang sa oras ng emergency ay mayroong magagawa habang hinihintay ang tulong medikal.
Regular din aniyang ginagawa ang ganitong uri ng training dahil kabilang sa layunin ng Department of Health na maturuan ang lahat ng health care workers mula sa mga barangay hanggang sa mga ospital.
Kadalasan umanong nagkakaroon ng BLS training kapag iniimbitahan ng mga kumpanya at LGUs ang PDRRMO upang magsagawa ng pagsasanay, ngunit sa pagkakataong ito ay binuksan ng Kapitolyo ang training sa publiko upang libreng matutunan ang ilan sa mga hakbang na makakatulong sa oras ng kalamidad.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga kalahok sa mga trainers maging sa Kapitolyo, sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali, dahil malaking tipid umano ang ganitong uri ng libreng training para sa mga healthcare professionals.

