Ibinahagi ng 4th Year Criminology student na si Mark Jhon Harrie Regondola, 25 anyos, na taga Barrera, Cabanatuan City sa kanyang Facebook account ang kanyang pinagdaanan upang makaraos sa buhay at matustusan ang kanyang pag-aaral, sa pagbabakasaling isa siya sa mapili ng Filipino vlogger na si FynestChina na nakabase sa USA at mayroong 1.5M followers.

Ayon kay Mark, sumubok siya sa I CHALLENGE YOU ng naturang vlogger kung saan namimili daw ito ng mga estudyanteng karapat-dapat niyang tulungan at minsan aniya ay Php1M ang ipinagkakaloob nito sa kanyang napipili.

Sa post ni Mark ay sinabi nitong kung sakaling palaring manalo ay sapat na sa kanya ang mapagkalooban siya ng Php100K na pampagawa ng kanilang butas-butas na bahay na gawa sa plywood sa tabi ng ilog, kapalit nito ay handa daw siyang ipamigay ng dalawang buwan ang kanyang itinitindang donuts at bitcho sa mga bata.

Kwento ni Mark, nagkahiwalay ang kanyang mga magulang noong 2012 at sa kaparehong taon ay nasawi ang kanyang ama, pagkatapos ay sinubukan niyang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Makati ngunit natigil din dahil sa naranasang matinding kalungkutan at kagipitan sa pinansyal, kaya bumalik ito sa Cabanatuan.

Ngunit hindi pa rin naging madali ang kanyang buhay kaya namasukan siya bilang kargador upang makapag-uwi ng isang kilong bigas at 2 instant noodles at inilihim ang hindi niya pagpasok sa eskwelahan dahil sa kagustuhang kumita ng pera para sa kanyang ina at walong mga nakababatang kapatid.

Naranasan din niyang pagmalupitan ng sariling kamag-anak na nangako sa kanyang pag-aaralin siya, na nagtulak sa kanya para mas piliing tumayo sa sariling mga paa at magtrabaho.

Namasukan din siya bilang pump boy sa isang gasolinahan at kumuha ng ALS sa TESDA at nang makapasa ay nag-enroll ng BS Criminology sa Araullo University.

Ngunit ang kakulangan sa pinansyal ay patuloy niyang naranasan kaya naman nagdesisyon siyang magtinda ng candy at pastillas hanggang sa maging shanghai at ice candy sa loob ng campus.

Muling sinubok ang kanyang katatagan nang magkasakit ang kanyang kapatid na babae, ngunit sa kabila ng kanyang dobleng pagsisikap na magbenta ng kanyang paninda kasabay ng pag-aaral mabuti ay hindi naisalba ang buhay ng kanyang kapatid.

Sa kabila ng bigat sa puso ay lalong sumidhi ang kanyang hangarin na makatapos ng kanyang pag-aaral at sa haba na ng kanyang nalakbay ay magpapatuloy aniya siya sa pagkamit ng kanyang pangarap sa buhay.

Pagbabahagi ni Mark, maging ang kanyang iba pang nakababatang kapatid ay nagtitinda din ng mga pagkain pagkatapos ng kanilang klase upang tulong-tulong na maitaguyod ang kanilang buhay at pag-aaral.