CRT BLUE FOX, KAMPEON SA NECSL SEASON 9 BASKETBALL MATAPOS TALUNIN ANG NEUST
Umukit ng kasaysayan ang College of Research and Technology o CRT Bluefox matapos talunin ang Nueva Ecija University and Science and Technology o NEUST Phoenix para tanghalin na kampeon sa ika-siyam ng Season ng Nueva Ecija Collegiate Sports League Basketball.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nasungkit ng Bluefox ang kampeonato sa nasabing palaro.
Sa unang quarter, mabilis na umarangkada ang Phoenix sa Bluefox kung saan nagtapos sa iskor na 21-15.
Hindi naman nagpatinag ang CRT at hinabol ang lamang ng kalaban sa second quarter dahilan upang mas dumikit ang score, 36-35 pabor pa rin sa NEUST.
Pagdating ng 3rd quarter, mas tumindi pa ang tensyon sa pagitan ng dalawang koponan. Bagama’t napanatili ng NEUST Phoenix ang isang puntos na kalamangan sa iskor na 47-48, buong tapang pa rin itong hinarap ng CRT Blue Fox.
Sa huling bahagi ng laro, nagpakawala ng malalaking puntos ang CRT, na sinelyuhan ang kanilang tagumpay sa final score na 66-57.
Samantala, dikit din ang naging laban para sa third place sa pagitan ng Wesleyan University laban sa Dr. Gloria D. Lacson Foundation Golden Lions.
Sa kabila ng mahigpit na laban, nanaig ang Wesleyan University, na nagtapos sa iskor na 99-92.
Ang NEUST ay itinanghal na 1st runner-up sa Men’s Basketball at 3rd runner-up ang Lacson.
Ang NECSL ay programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno nina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Gov. Anthony Umali na nilahukan ng labing limang unibersidad ngayong taon at patuloy na nagsisilbing inspirasyon at tulay upang maipamalas ng kabataan ang kanilang talento at pagmamahal sa larangan ng sports.

