CURRICULUM SUMMIT, ISINAGAWA NG WESLEYAN UNIVERSITY-PHILIPPINES
Nagsagawa ng Curriculum Summit ang Wesleyan University-Philippines na dinaluhan ng mga namumuno sa paaralan, mga guro, estudyante at kanilang mga magulang, at industry partners kung saan kabilang ang TV48.
Ayon kay Dr. Wilfredo C. Ramos, Vice President for Academic Affairs ng WUP, bagaman mataas ang kalidad at pasado sa pamantayan ng ASEAN ang curriculum ng unibersidad, kulang ito sa internship at paglalaan ng aktwal na karanasan para sa mga mag-aaral.
Dahil dito, iminungkahi ng mga industry partners na palawakin ang on-the-job training (OJT) upang mas mahasa ang mga estudyante sa napili nilang propesyon, at hindi lamang nakatuon sa magagaan na gawain.
Marami rin umanong mga bagong graduate na hirap mag-adjust at kulang sa tiwala sa sarili, kaya suhestiyon ng mga industry partners na magkaroon muna ng mga programang nakatutok sa mental health at emotional preparedness.
Binigyang-diin naman ni WUP President Dr. Irineo G. Alvaro Jr. na mahalaga ang pagtutulungan ng unibersidad, magulang, estudyante, at mga kapartner sa iba’t ibang industriya upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon.
Samantala, ayon kay Dr. Efren F. Abulencia, Education Supervisor II ng CHED Central Luzon, dapat ay hindi stagnant ang curriculum, upang makasabay ang edukasyon sa pagbabago ng panahon.

