DA, ITINAKDA ANG P210 FARMGATE PRICE PARA SA LIVE HOGS

Upang sagipin ang naluluging industriya ng baboy sa bansa, nagkasundo ang Department of Agriculture at mga hog producer na magtakda ng minimum farmgate price na ₱210 kada kilo para sa live hogs.

Ayon sa mga grupo gaya ng SINAG, NFHFI, at PROPORK, bumagsak na ang farmgate prices sa ₱150 hanggang ₱180 kada kilo—halagang hindi na sapat para mabawi ang gastos ng mga nag-aalaga ng baboy.

Dahil dito, pumayag ang gobyerno at industriya na magtakda ng price floor upang mapanatili ang patas na kita ng mga raisers.

Inirekomenda rin ng sektor ang pagbabalik ng pork import tariff sa 40%, mula sa kasalukuyang 25% na itinakda sa ilalim ng Executive Order 62.

Paniwala nila, kailangan itong hakbang upang hindi malunod sa importasyon ang lokal na produksyon.”

Kasama rin sa mga panukala ang pagre-reclassify sa pork jowls, na kasalukuyang itinuturing na offal.

Kapag naitaas ang tariff nito, mas magiging patas ang kompetisyon laban sa imported na ginagamit sa samgyupsal at meat processing.

Kasabay nito, palalakasin ng Department of Agriculture ang monitoring upang matiyak ang transparency at fair trade.

Pinapaalalahanan ang mga supermarket na tamang i-label ang frozen meat at huwag itong ipresenta bilang fresh.

Ayon sa Department of Agriculture, ang lahat ng hakbang na ito ay nakatuon sa pag-stabilize ng presyo, pagprotekta sa local producers, at pagtiyak na ligtas at abot-kaya ang karneng baboy para sa mga mamimili.