DA, NANGANGAMBA SA PAGTAAS NG BILIHIN SA DISYEMBRE

Nangangamba ang Department of Agriculture sa muling pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa darating na buwan ng Disyembre dahil sa mataas na demand ng pagkain, produkto at serbisyo kapag Kapaskuhan.

Sinabi ni Department of Agriculture Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa na hindi maiiwasan ang paglobo ng presyo ng mga bilihin tuwing Kapaskuhan dahil lumalaki ang demand at nagkukulang ng suplay. Ngunit huwag naman sanang sobrang taas upang hindi sumipa ang inflation.

Noong buwan ng Setyembre, naitala ang pinakamababang inflation rate mula pa noong Mayo 2020 na umabot sa 1.9 percent na inflation rate ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Mas mababa ito kumpara sa 3.3 percent noong Agosto 2024 at 6.1 percent noong Setyembre 2023.

Ang paghina ng inflation ay bunga umano ng pagbaba sa presyo ng pagkain, particular ang bigas.

Samantala, binaggit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ikinagagalak ng Agriculture Department ang paghina ng inflation kahit may ‘guarded optimism’.