DA, SUSUSPENDIHIN UMANO ANG PAGBIBIGAY NG AYUDA SA MAGSASAKA AT MANGINGISDANG DELINGKWENTE SA PAGBABAYAD NG UTANG
Sususpendihin na ng Department of Agricultureang pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng mga programa nitong delingkwente sa pagbabayad ng utang sa ilalim ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) Credit Program.
Base sa DA Memorandum Order No. 60 na pinirmahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dumadami na ang mga hindi nagbabayad ng utang sa ACEF.
Kaya, iminungkahi na ng Landbank sa DA na itigil ang pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng mga banner program nitong delingkwente hanggang hindi pa nila nababayaran ang mga utang na sinang-ayunan naman ng ACEF Executive Committee.
Sa ilalim nito, ituturing na delingkuwente ang nangutang na benepisyaryo kung hindi pa rin ito nagbabayad matapos padalhan ng dalawang collection letters at kung hindi pa rin ito nagbabayad matapos ang dalawang loan restructuring.
Ang ACEF credit program ay pautang na dinadaan sa Land Bank of the Philippines para sa mga magsasaka’t mangingisda at kanilang mga kooperatiba at asosasyon na magagamit sa pagbili ng mga binhi o makinang kailangan nila para matulungan silang palakasin ang ani o huli.

