DAAN-DAANG IBON, NAGBAGSAKAN SA KALSADA SA CHINA; LIBONG IBON SA USA, PATAY NANG BUMANGGA SA GUSALI

Isang nakapangingilabot na sandali ang nakunan ng camera kung saan makikita ang daan-daang mga ibon na biglang bumagsak sa lupa matapos magpaikot-ikot sa kalangitan sa China, na kahalintulad daw ng isang eksena sa Apocalypse.

Ang kakaibang tanawin ay nakunan ng isang residente sa Laibin, sa Southern Guangxi Region, China.

Ayon sa mga nagulantang na mga saksi, hindi mabilang na mga swallow, na isang uri ng ibon, ang nagsiliparan sa paligid bago sila biglang nagsimulang bumagsak mula sa langit.

Ang mga swallow ay maliliit hanggang katamtamang laki na mga ibon na kilala sa kanilang makinis, streamlined na katawan at magandang paglipad.

Dumurog umano sa puso ng mga nakakita ang paghandusay ng wala ng buhay na mga katawan ng daan-daang mga ibon sa kalsada nang mahulog mula sa itaas.

Base sa mga ulat ang mga swallow na lumilipad sa timog patungo sa mas maiinit na klima sa taglamig ay maaaring magfreeze o magyelo hanggang mamatay sa mga sub-zero na temperature.

Sinabi ng mga residente na mula sa 30 degrees Celsius ay biglang bumaba ang temperatura sa 10 degrees Celsius sa loob lamang ng isang araw.

Iniuugnay naman sa maraming iba’t ibang kultura ang mga ibong lumilipad sa mga nalalapit na kapahamakan at iniuugnay sa kalamidad na maaaring mangyari.

Aabot naman sa 1000 migratory birds ang namatay sa loob ng isang araw noong Oktubre sa Chicago, USA dahil sa pagbabago ng panahon at pagbangga nila sa gusali na gawa sa salamin.

Marami sa mga ibong nasawi ay mga palm warbler at yellow-rumped warbler, na ayon sa mga eksperto ay hindi nakakakita ng mga reflective glass kaya madalas silang bumangga rito.