DAGDAG AYUDA SA MGA BUNTIS AT NAGPAPASUSONG INA, PARA LAMANG SA MGA BENEPISYARYO NG 4Ps

Aprubado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Department of Social Welfare and Development na taasan ang cash grant sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Nilinaw ng DSWD na tanging mga benepisyaryo lamang ng 4Ps na buntis at mga nagpapasusong ina ang makatatanggap ng dagdag na ayuda.

Sinabi ni Director Gemma Gabuya, DSWD National Program manager ng naturang programa na aabutin ng P400 ang idaragdag na cash grant kada buwan sa 4Ps beneficiary na buntis at lactating women mula sa kasalukuyang P750 na ayuda.

Layon ng programang ito na matutukan ang unang 1000 days kung saan matutukan nito ang paglaki at development ng mga bata upang maiwasan at mabawasan ang mga kaso ng malnutrisyon at pagkabansot.

Inatasan na rin ng pangulo ang DSWD na makipag-ugnayan sa kinauukulang ahensya ng gobyerno, partikular na sa National Economic and Development Authority o NEDA at Philippine Statistics Authority o PSA para mas mapagbuti ang pagpapatupád ng karagdagang tulong pinansiyal sa mga kasalukuyang miyembro ng 4Ps na buntis at breastfeeding mom.

Binigyang-diin din ni Gabuya na ang ang mga buntis na hindi 4Ps beneficiaries ay kailangan munang mag-aplay at dapat mapatunayang siya ay poor of the poorest para masama sa programa.

Ang 4Ps ay isang conditional cash transfer program ng pamahalaan kung saan ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng ayuda kapalit ng pagpapaaral ng at pagdadala sa mga health center ng kanilang mga anak.