DAGDAG PHP6.5M BUDGET PARA SA OPERASYON NG ONION COLD STORAGE SA CLSU, APRUB NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Lusot na sa 14th regular session ng Sanguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija, ang kahilingan ni Gov. Aurelio Umali na pag-apruba sa Supplemental Budget No. 4 na nagkakahalaga ng Php6.5 million, upang pondohan ang pagtatatag at operasyon ng Nueva Ecija Onion Cold Storage Facility o NEOCSF sa Central Luzon State University Compound, Science City of Muñoz.

Ang naturang pondo ay magmumula sa hindi nagamit na balanse ng nakalaang pondo para sa Fiscal Year 2025 Special Purpose Appropriation ng Malasakit Program.

Ayon kay Provincial Planning and Development Office Economist II Angelo Picio, ang nasabing budget ay gagamitin para sa operasyon ng NEOCSF na hindi napaglaanan sa planning stage.

Sinabi ni Provincial Agriculturist Jobeat Agliam, kasama rin sa mga paggagamitan ng pondo ang iba pang general services gaya ng pag-hire ng mga office at utility staff, pagbili ng mga equipments at pagbabayad ng mga utilities.

Sa ikatlong linggo ng Abril, inaasahang magsisimula na ang operasyon ng onion cold storage dahil na rin sa pangangailangan sa pasilidad ng mga nasa hilagang bahagi ng Nueva Ecija na paglalagakan ng kanilang mga inaning sibuyas.

Tinatayang aabot sa 120,000 bags ng sibuyas ang kapasidad ng NEOCSF na handang magserbisyo sa mga Novo Ecijano.