DAGDAG SINGIL SA KURYENTE, MARARAMDAMAN SA AGOSTO
Simula sa susunod na buwan ng Agosto, madaragdagan ng P0.10 kada kilowatt-hour (kWh) ang transmission charge sa electric bill ng mga konsyumer sa buong bansa matapos payagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na maningil ng cost recovery na aabot sa P28.29 billion.
Ayon kay Arth Sinobago, Government Relations and Regional Affairs Lead Specialist ng NGCP, ito ay bahagi ng tinatawag na fourth regulatory reset ng ERC- isang proseso kung saan sinusuri kung magkano ang maaaring mabawi ng NGCP sa mga nagastos nito sa kanilang mga naging proyekto mula 2016 hanggang 2022.
Kabilang sa mga major grid projects na pinondohan muna ng NGCP na sisingilin sa consumers ay ang Mindanao–Visayas Interconnection Project (MVIP), Cebu–Negros–Panay 230 kiloVolt Backbone, Mariveles–Hermosa–San Jose 500 kV transmission line, at iba pang substation upgrades, voltage improvement projects, at transmission line developments sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Layunin ng mga proyektong ito na mapabuti ang kalidad ng serbisyo at mapalawak ang transmission network sa buong bansa.
Ang dagdag singil na P0.10/kWh ay madaragdag sa transmission charge ng mga consumer, at ito ay isasama sa kanilang electric bill sa loob ng 84 months o pitong taon.
Nilinaw ng NGCP na lahat ng proyekto at gastusin nito ay dumaraan sa mahigpit na pagsusuri at approval ng ERC, at hindi sila maaaring maningil nang walang pahintulot mula sa ahensya.
Aminado rin ang NGCP na may epekto ito sa publiko lalo na sa mga kapos sa budget, kaya panawagan nila na maging wais sa pagkonsumo ng kuryente, tulad ng hindi labis na paggamit ng aircon lalo na kapag malamig ang panahon.

