BABALA! SENSITIBONG BALITA:
DALAWANG MENOR DE EDAD, HULI SA CCTV NA NAGNAKAW SA ISANG TILE DEPOT SA SAN JOSE CITY
Arestado ang dalawang out-of-school youths matapos tugisin ng mga pulis dahil sa pagnanakaw sa isang tile depot sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Caanawan, San Jose City.
Hindi pinangalanan ang mga menor na may edad katorse at kinse na kapwa residente ng Barangay Bunga, Carranglan, Nueva Ecija na kinokonsiderang Children in Conflict with the Law (CICL) sanhi ng ginawang krimen.
Base sa pahayag ni PCOL Heryl “DAGUIT” L. Bruno, Provincial Director, NEPPO, ini-report ng manager ng L&J Tiles Depot ang insidente sa San Jose Police Station na nakuhanan ng CCTV.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang 11:00 ng gabi noong July 4, 2025 nang pwersahang pasukin ng dalawa ang establisyemento sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong at pagsira sa kisame nito.
Tinangay ng mga binatilyo ang more or less Php 2,000 cash at assorted tools na nagkakahalaga ng Php 4,000. Pinahiran din umano ng mga ito ng rugby solvent ang iba’t ibang produkto sa loob ng tindahan.
Mabilis namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na natagpuan sakay ng kanilang service na red RUSI 125 motorcycle.

