Sisimulan na ang isa sa pinakamalaking proyekto sa ilalim ng programang “Build Better More” ng pamahalaan.
Ito ay ang P67.4-billion Dalton Pass East Tunnel Project na magdurugtong sa Nueva Ecija at Nueva Viscaya.
Noong March 2024, pormal nang nilagdaan ng MalacaƱang at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang kasunduan para sa proyekto.
Ayon sa press statement ng Department of Public Works and Highways (DPWH), layunin nitong i-bypass ang kasalukuyang Dalton Pass.
Madalas kasing maantala ang biyahe roon tuwing may sakuna o aksidente.
Sa haba na 23 kilometers, itatayo ang proyekto na magiging pinakamahabang road tunnel sa Pilipinas.
Batay sa technical plan ng DPWH Unified Project Management Office, ang Dalton Pass East Tunnel ay magkakaroon ng four lanes.
Tampok dito ang twin-tube tunnels na may haba na mahigit 6 kilometers.
Kasama rin ang sampung malalaking tulay sa mga kabundukan ng Nueva Ecija at Nueva Viscaya.
Dahil sa modernong disenyong ito, inaasahang magiging mas ligtas at mabilis ang biyahe mula sa Cagayan Valley patungong Central Luzon.
Bagama’t malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya, noong January 23, 2026, naglabas ng pahayag ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Viscaya.
Hiniling nila sa DPWH na tiyaking magkaroon ng maayos na konsultasyon sa lahat ng mga apektadong Indigenous Cultural Communities.
Kailangan umanong irespeto ang karapatan ng mga Kalanguya sa Santa Fe at Carranglan, dahil dadaan ang proyekto sa kanilang ancestral domains.
Tiniyak naman ng DPWH at National Commission on Indigenous Peoples na pakikinggan ang boses ng mga katutubo para sa proyekto.
Samantala, ayon kay DPWH Senior Undersecretary Emil Sadain, ang proyektong ito ay magsisilbing isang napakahalagang “economic gateway” para sa bansa.
Inaasahan ding dadagsain ng mga turista ang lugar dahil ang naturang tunnel ay magiging isang bagong atraksyon sa Hilagang Luzon.
Target na matapos ang proyekto sa taong 2031.

