DAMANG-DAMA NA ANG KAPASKUHAN SA OLD CAPITOL AT FREEDOM PARK SA CABANATUAN CITY

Isa sa mga inaabangan ng mga Pilipino tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre ay ang mga makukulay at puno ng mga ilaw na pasyalan at dito nga sa Old Capitol at Freedom Park, Cabanatuan City ay damang-dama na ang kapaskuhan dahil muli ng binuksan ang mga kumukutikutitap at nagniningningang mga ilaw.

Tradisyon na dito taon-taon ang magsindi ng ibat-ibang kulay ng Christmas Lights, mag tayo ng malaking Christmas Tree, at maglagay ng maraming Christmas decorations upang maging perfect pasyalan tuwing holiday season ng mga tao, mula bata at pati na rin ng mga matatanda.

Ang mga palamuti dito ay talaga namang Christmas feels at instagramable dahil sa white Christmas na tema ngayong taon kaya pwedeng-pwede ang kabilaang selfie rito.

Maaari kang maupo sa nakalatag na white snow design carpet habang pinagmamasdan ang mga maiilaw na bulaklak. Hindi rin mawawala ang mga reindeers, higanteng snowballs at syempre si snowman na nakakadagdag sa malamig na pakiramdam ng simoy ng hangin ngayong bermonths.

Ang ambiance ay perfect na perfect din para sa mga gusto mag relax at magpahinga mula sa mga nakakapagod na trabaho.

Tampok rin ang mga food bazaar tulad ng mga inihaw, bibingka, fruit shake at mga tusok-tusok kaya’t hindi ka magugutom dito.

Ang bawat ilaw na ito na kumukuha sa atensyon ng mga tao ay sumisimbolo na malapit na nga talaga ang pasko. Ang pasko na pagkakataon upang muling magsama-sama ang bawat pamilya sa selebrasyon na talaga namang malapit sa bawat puso ng mga Pilipino.

Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno nina Governor Aurelio Umali and Vice Governor Anthony Umali ang nagpapaganda para sa kasiyahan ng mga mamamayan tuwing kapaskuhan.