Nabalot ng takot at galit ang bayan ng Daraga, Albay noong Nobyembre 2011, matapos ang sunod-sunod na mararahas na krimen. Sa gitna ng seryeng ito, yumanig sa buong Bicol ang rape-slay ng isang 19-anyos na estudyante. Isang kaso na naging simbolo ng nabigong hustisya sa loob ng maraming taon.
Kinilala ang biktima na si Laesybil Almonacid, isang third-year accountancy student ng Bicol University. Bigla nalamang siyang nawala noong Nobyembre 1, 2011,. Kinabukasan, natagpuan ang kanyang walang buhay na katawan sa isang madamong lugar sa Barangay Bascaran, Daraga.
Ang krimen na ito ay naitala bilang ikawalong rape case sa Daraga noong taong iyon. Ang unang pito ay may mga nakaligtas na biktima, subalit nabigo itong makilala ang mga salarin, na lalong nagpalala sa pangamba ng komunidad.
Galit ng Publiko sa Paglamig ng Kaso
Dahil dito, sumiklab ang galit at pagkadismaya ng publiko. Kaya nanawagan ang mga lokal na opisyal ng agarang aksyon mula sa mga awtoridad. Gayunpaman, dahil sa kakulangan ng mga testigo at matibay na ebidensya, nabigo ang mga naunang imbestigasyon. Kalaunan, tuluyang itinuring itong cold case.
Panata ng Isang Kaibigan
Samantala, sa gitna ng katahimikan, may isang kabataang hindi kailanman nakalimot. Si Mae Diane Azores na kaklase at malapit na kaibigan ni Laesybil, ay hayagang nagpahayag ng pagkadismaya sa kawalan ng hustisya. Ayon sa kanya, ang sinapit ng kaibigan ang nagtulak upang siya’y mag-aral ng abogasya.
Paglipas ng mga taon, natupad ang kanyang pangarap nang siya ay maging 2019 Bar Examination topnotcher, dala ang panata para sa pagbabago sa paghahanap ng hustisya.
Mga Pag-aresto at Pagsasara ng Kaso
Pagkaraan ng mahigit isang dekada, muling binuhay ang kaso. Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang panibagong imbestigasyon. Sa tulong ng isang mapagkakatiwalaang testigo, opisyal na nagsampa ng kaso noong Marso 2022.
Sa wakas, noong Enero 11, 2023, dinakip sa Daraga sina Omar Almonacid y Oliveros at Stephen Almonacid y Oliveros. Matapos ang labindalawang taong paghihintay, idineklara ng mga awtoridad na sarado na ang kaso.

