Nagpapatuloy sa paghakot ng iba’t ibang parangal sa iba’t ibang mga beauty pageants ang dating biktima ng pambubully sa social media noon na si Jasmine Heart Domingo o mas kilala bilang Jaha, na taga Brgy. Pag-asa, Talavera, Nueva Ecija.

Sa katatapos lamang na Mr. Steward and Ms. Stewardess 2024 ay humakot nanaman ng mga parangal ang rampadorang Grade 7 student na si Jasmine na tinanghal din bilang grand winner.

Ang taunang patimpalak ay bilang selebrasyon sa 16th Founding Anniversary na may temang “The Lord’s Prayer: A Prayer of Selfless Love” ng Schola Christi Inc. sa bayan ng Talavera.

Tinalo ni Jasmine ang siyam niyang mga katunggali mula Grade 7 hanggang Grade 12 ng naturang paaralan.

Kabilang sa nakuhang awards ni Jasmine ang Ms. Professional, Ms. Friendship, Ms. Schola Choice Award, Ms. Photogenic, Ms. Iconic Beauty, Ms. Closeup Smile, Best in Production, Best in Creative Casual, Best in Festivity of Prayer, Best in Sports Wear, Best in Formal Wear at ang Best in Question and Answer.

Unang sumabak si Jasmine sa pagpapageant nang siya ay pitong taong gulang pa lamang at mula noon ay palagi na ring laman ng mga entablado upang magpamalas ng kanyang galing sa pagrampa.

Matatandaan na taong 2019 nang maging kinatawan ng Pilipinas si Jaha sa 23rd World Championship of Performing Arts sa California, USA kung saan tinanghal ito bilang Multi-Gold Medalist, Silver Medalist at Champion of the World sa Modeling Kids Division.

Samantala, ang kapares naman ni Jaha na si Chase Dustin Domingo, Grade 10 student na first time sumabak sa pageant ay itinanghal naman bilang 3rd runner-up.

Hinakot din nito ang Best in Production, Best in Formal Wear, Best in Sports Wear, Scholites Choice Award, Exquisitely Handsome, Mr. Professional at Mr. Photogenic.