DATING BISE GOBERNADOR, MGA NAGREREKLAMO SA CELCOR PINATATAHIMIK?

Kinasuhan ng Cabanatuan City Electric Corporation (CELCOR) sina former Nueva Ecija Vice Governor Emmanuel Antonio “Doc. Anthony” Umali at Anastacio “Apet” J. Cruz ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Grave Oral Defamation.

Ang reklamo ay kaugnay ng umano’y pahayag nila online na pumupuna sa mataas na singil ng CELCOR.

Si Doc. Umali ay dati na ring naging Vice Mayor ng Cabanatuan, at tumakbo bilang alkalde ng lungsod dala ang platapormang bubusisiin ang singil sa kuryente kabilang ang iba pang isyu ng mga Cabanatueños.

Noong September 9, 2025, sumailalim na sa preliminary investigation ang kampo nina Umali at Cruz sa Office of the City Prosecutor ng Cabanatuan City.

Ayon kay Atty. Marco Polo Cunanan, legal counsel ng mga respondent, naghain sila ng motion for inhibition, o hiling na mag-inhibit o umatras ang buong office of the City Prosecutor ng Cabanatuan sa paghawak ng kaso.

Sa panayam pa kay Atty. Cunanan, kanyang sinabi na hindi muna nila maaaring talakayin ang detalye ng kaso dahil ito ay pending.

Subalit, tiniyak niya na nakapagsumite na sila ng counter-affidavit upang patunayan ang kawalang-sala nina Doc. Umali at ni Cruz.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsampa ng kasong libelo ang CELCOR kaugnay ng isyu sa singil ng kuryente.

Matatandaan na noong 2013, kinasuhan din ng CELCOR at ni former Congresswoman Ria Vergara ang broadcaster na si Philip “Dobol P” Piccio ng siyam na kaso ng libel, dahil sa kanyang mga pahayag tungkol sa mahal na singil ng kuryente sa lungsod kumpara sa ibang distribution utilities.

Ngunit nanalo sa mga kaso si Piccio at napatunayang totoo ang kanyang sinasabi.

Samantala, magpapatuloy sa September 16, 2025 ang preliminary investigation sa reklamo ng CELCOR kina Doc. Anthony at Apet.