DATING BISEXUAL, BINAGO NG SALITA NG DIYOS
Ibinahagi ni Pastor Renell Ladesma ang kwento kung paano siya binago Ng Panginoon sa programang “Count Your Blessings” nina Congresswoman Cherry Umali at Dra. Kit De Guzman.
Ayon kay Pastor Renell, hindi niya inaasahan na magiging pastor siya dahil wala namang Kristiyano sa kanilang pamilya.
Ngunit bago siya naging Pastor sa edad na 26, naranasan niya ang hirap ng buhay, kabilang na ang kawalan ng suporta ng mga magulang sa kanyang pag-aaral.
Sa kabila nito, nakahanap siya ng scholarship sa Antipolo, ngunit nang malaman ng kanyang ama na mag-aaral siya ay pinigilan siya nito, pero nagpatuloy pa rin si Pastor Renell dahil sa kanyang kagustuhan na makapagtapos.
Kwento pa ni Pastor, nang makarating siya sa Antipolo ay laking gulat na lamang niya nang malaman na isa palang Seminary Bible School ang kanyang papasukan.
Noong una, labag umano ito sa kanyang kalooban, pero nagpatuloy pa rin siya dahil wala na siyang ibang mapupuntahan.
Aminado rin si Pastor na nahirapan siya, dahil noong hindi pa siya nakakakilala Sa Panginoon ay dati siyang naimpluwensiyahan ng homosexuality, na hindi naaayon sa bibliya.
Gayunpaman, sa patuloy na paglapit niya Sa Diyos, natutunan niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng banal na kasulatan, at dito na nagsimula ang malaking pagbabago sa kanyang buhay.

