Nakapasa sa August 2023 Licensure Examination for Criminologist ang dating nakatira sa Provincial Dormitory ng Nueva Ecija na si Renz Quijano, 23 taong gulang mula sa Rio Chico, General Tinio, Nueva Ecija.

Kwento ni Renz, noong pandemya ay tinanggihan niya ang kaibigan niya na hinikayat siyang manuluyan sa Provincial Dorm.

Ngunit, noong siya ay tumuntong sa 4th year college sa PHINMA Araullo University, ay nahirapan siya sa dami ng gastusin kaya naisipan na niyang mag-apply sa Dorm.

Hindi kasi sapat ang kinikita ng kanyang ama na construction worker, kaya nagpapasalamat siya sa programang libreng dormitory ng Pamahalaang Panlalawigan na nakakatulong sa mga katulad niyang kinakapos sa pinansiyal.

Ayon kay Provincial Dormitory Manager Mary Anne Mateo, ang programa ni Governor Aurelio Umali ay para sa mga scholars at mga mamamayan na walang matirahan.

Paliwanag ni Ma’am Meann, mahigpit sila sa pagpapatupad ng house rules, katulad ng curfew kaya disiplinado ang mga nakatira sa dorm.

Wala aniya silang utility kaya ang mga nanunuluyan doon na gumagamit ng facilities ang tinuturuan nilang maglinis.

Dagdag ni Ma’am Meann, masarap sa pakiramdam kapag nakaka-graduate ang mga estudyante dahil itinuturing nilang parang mga anak ang mga tumutuloy sa Provincial Dorm.