DATING LULONG SA ILEGAL NA DROGA AT NAGTATRABAHO SA SUGALAN, NGAYO’Y PASTOR NA

Ibinahagi ni Pastor Emmanuel Calora ang kuwento ng pagbabago sa kanyang buhay sa programang “Count Your Blessings” nina Congresswoman Cherry Umali at Dra. Kit De Guzman.

Ayon kay Pastor Emmanuel, noong kabataan ay nalulong siya sa ilegal na droga na nagdulot ng kahihiyan sa kanyang pamilya.

Ngunit nagsimulang magbago ang kanyang landas nang minsang magtungo siya sa isang ‘Praise and Worship,’ upang makinig lang sana ng musika, ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, unti-unti na palang gumagawa ng himala Ang Diyos sa kanyang buhay.

Kwento pa ni Pastor Emmanuel, isang araw ay inanyayahan siya ng kanyang Senior Pastor sa isang silid upang manalangin, ngunit sa gitna ng pananalangin ay hindi aniya namalayang napaluhod na siya habang umiiyak, kaya noong araw na iyon ay buong puso na niyang isinuko ang sarili Sa Panginoon.

Simula noon, napapadalas na umano siyang dumalo sa mga Bible study at kalaunan ay nabigyan na rin ng pagkakataong manguna rito.

Ngunit hindi naging madali ang kanyang landas, dahil noong napapadalas siya sa pag-bible study, ay nagtatrabaho rin siya bilang plugman sa isang sugalan na kakera ng kabayo, kung saan mayroong maayos ang sahod.

Nang tanungin umano siya ng kanyang Senior Pastor kung nais niyang maglingkod nang buo Sa Diyos, kailangang talikuran muna niya ang kanyang trabaho dahil hindi dapat sangkot ang isang lingkod Ng Diyos sa lugar na pinagmumulan ng kasalanan.

Bagamat tutol ang kanyang ina sa kanyang naging desisyon na talikuran ang kanyang trabaho, pinili pa rin ni Pastor Emmanuel na sundin ang kanyang desisyon at ang pagtawag Ng Panginoon.