DATING SECURITY CONSULTANT NI ZALDY CO, IBINULGAR ANG UMANO’Y CASH DELIVERY SA FLOOD CONTROL SCAM; TUMANGGI SA WITNESS PROTECTION
Lumantad sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25, 2025 si Orly Regala Guteza, isang miyembro ng Philippine Marines at dating security consultant ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, upang isiwalat ang umano’y bilyon-bilyong pisong anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sa kanyang testimonya, inilahad ni Guteza na bilang dating security aide ni Co, ilang beses umano siyang inutusan na maghatid ng mga maleta na naglalaman ng tinaguriang “basura”, tawag sa mga maletang may lamang pera na tinatayang P48 milyon bawat isa.
Sinabi ni Guteza na tatlong beses niyang personal na nadala ang mga maleta mula sa Horizon Residences sa Bonifacio Global City patungo sa bahay ni House Speaker Martin Romualdez sa McKinley Street, Taguig, at sa tirahan ni Co sa Valle Verde 6, Pasig City.
“Halimbawa, kung may 46 maletang bitbit, 35 lamang ang dinadala sa bahay ni Speaker Romualdez. Ang iba ay iniiwan sa 56th floor ng Horizon Residences,” pahayag ni Guteza.
Tumanggi si Guteza na pumasok sa Witness Protection Program, ngunit iginiit na handa siyang tumestigo upang patunayan ang kanyang mga pahayag sa harap ng Senado.
Una rito, nanawagan ang anak ni Zaldy Co na si Ellis Co na umuwi na ang kanyang ama at harapin ang mga paratang. Giit ni Ellis, panahon nang sagutin ni Zaldy Co ang mga akusasyon kaugnay ng umano’y P35 bilyong budget insertions sa flood control projects ng DPWH.
Si Zaldy Co ay umalis ng bansa noong Hulyo 2025 upang magpagamot sa Amerika, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ang kanyang kinaroroonan.
Magpapatuloy naman ang Senate Blue Ribbon Committee sa pagbusisi sa mga alegasyon ng korapsyon sa flood control projects, na nakatuon sa umano’y kickback scheme kung saan daan-daang milyong piso ang napupunta umano sa ilang mambabatas kapalit ng pag-apruba at implementasyon ng mga proyekto.

