Pinatunayan ng 26-anyos na lalaki na dating sorbetero at kargador na hindi matitigil ang buhay at pangarap nang dahil lamang sa kahirapan dahil sa kanyang pagsusumikap ay nakapagtapos ito ng abogasya.
Hindi lamang basta nagtapos ng abogasya si Jorenz Obiedo sa University of Caloocan City College of Law, kundi nagkamit din ng parangal bilang Valedictorian.
Laki sa hirap si Jorenz na may labing isang mga kapatid na binuhay ng kanyang mga magulang sa pagiging construction worker at housewife.
Kwento ni Jorenz sa isang panayam sa kanya na dati siyang isinama ng kanyang ama sa pagbebenta ng sorbetes kung saan mas mabigat pa ang dala-dala niyang styro box kesa sa kanyang timbang.
Namasukan din ito bilang taga hugas ng plato sa isang lugawan, naging kargador ng softdrinks, helper sa hardware store at suma-sideline sa construction noong kolehiyo.
Naranasan din ni Jorenz ang pumasok ng walang baon dahil sa kasalatan sa buhay at kahit na natigil sa pag-aaral ang iba niyang mga kapatid ay mas pinili ni Jorenz na itaguyod ang kanyang pag-aaral.
Sinabi ni Jorenz na nais niyang putulin ang kahirapan sa kanilang buhay at ayaw nitong maipamana din sa mga magiging anak niya ang kahirapang naranasan nila.
Habang nasa law school ay nagtrabaho din siya bilang stenographer hanggang makapagtapos.
Pangarap ni Jorenz na makatulong sa mga mahihirap na walang kakayanang makakuha ng hustisya kaya nais niyang magtrabaho sa Public Attorney’s Office.

