DATING TAGAPANOOD LANG NG RECOGNITION RITES, NGAYON MAGNA CUM LAUDE NA SA NEUST
Dati’y isa lamang siyang nanunuod sa mga recognition day, pumapalakpak para sa mga tumatanggap ng iba’t ibang parangal sa entablado, pero ngayong taon, siya na mismo ang kinilala, hindi lang bilang awardee, kundi bilang Magna Cum Laude ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST).
Si Francis Santos, isang Bachelor of Science in Tourism Management graduate, ay larawan ng kabataang pinanday ng hirap, pinatibay ng pangarap, at pinalad na magtagumpay sa kabila ng mga pagsubok.
Ayon sa kanya, ang tunay na kwento sa likod ng kanyang tagumpay ay hindi lamang nakasentro sa mga medalya, kundi sa mga sakripisyo, pangungutang, pagluha, at walang sawang suporta ng kanyang pamilya na kailanma’y hindi bumitaw.
Inamin niyang hindi naging madali ang buhay kolehiyo, bagamat sa isang state university siya nag-aral, hindi biro ang gastos sa miscellaneous fees at mga exposure programs sa kursong tourism.
Aniya sa mga panahong hindi na kinakaya ng budget ang mga gastusin sa kanyang pag-aaral, ay nangungutang ang kanyang ina na ngayon ay barangay health worker, at ang ama na isang driver sa mismong paaralang kanyang pinagtapusan.
Para kay Francis, ang kanyang ina na bukod sa pagiging lingkod-bayan, ay ina ng tahanan na kaagapay niya sa kanyang bawat hakbang at ang kanyang ama ay isang “superman” sa bahay at “comedian on duty”, na laging handang dumamay.
Pero bago makarating sa entablado ng NEUST, dinaanan muna ni Francis ang mga pagsubok, noong siya’y Grade 3 pa lamang, nahirapan siyang maunawaan ang kanyang mga magulang na umalis para magtrabaho sa abroad at sakit ang kanyang naramdaman, ngunit ngayon aniya ay kanya ng naintindihan na ito ay paraan ng kanilang pagmamahal upang matugunan ang kanyang mga pangangailangan.
Sa high school, naging malabo pa ang direksyon, habang ang kanyang mga kaklase ay sigurado na sa tatahaking landas, siya naman ay naguguluhan.
Pero dahil sa kanyang likas na pagiging “people pleaser,” pinili niyang pumasok sa larangang nangangailangan ng pakikitungo at serbisyo, una sa ABM strand, hanggang sa turismo sa kolehiyo.
Tulad ng marami, pangarap ni Francis ang maging matagumpay sa buhay, sa lahat ng aspeto, ngunit higit sa lahat, pangarap niyang maging taong ikararangal ng nakaraang bersyon ng kanyang sarili, at higit sa lahat, ng kanyang pamilya.

