BABALA SENSITIBONG BALITA:
DELIVERY RIDER, PATAY HABANG NASA PILA SA AYUDA SA MARIKINA
Nasawi ang isang 20-anyos na delivery rider habang nakapila para sa pinansyal na ayuda sa Sports Center ng Marikina City nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ng Marikina City Police Public Information Office ang biktima na si Engin Basco. Ayon sa ulat, nawalan umano ng malay si Basco habang nasa pila at agad na isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center bandang 4:20 ng hapon. Gayunman, makalipas ang 49 minuto, idineklara siyang patay ng kaniyang attending physician.
Ayon sa paunang pahayag mula sa ospital, “natural death” ang itinuturong sanhi ng kanyang pagpanaw. Ngunit hinala ng kapatid ng biktima, maaaring na-suffocate si Basco dahil sa matinding init ng panahon at siksikan ng mga tao sa lugar.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang tunay na dahilan ng insidente. Hiningan na rin ng pahayag ang mga organizer ng pamamahagi ng ayuda.

