BABALA: Ang balitang ito ay may sensitibong nilalaman tungkol sa karahasan na maaaring makaapekto sa ilang manonood, lalo na sa kabataan. Pinapayuhan ang mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga bata sa panonood.

DEPED, DILG PINAIGTING ANG SEGURIDAD SA MGA PAARALAN MATAPOS ANG SUNUD-SUNOD NA KARAHASAN LABAN SA MGA GURO AT ESTUDYANTE

Pinaigting ng Department of Education o DepEd ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa lahat ng paaralan bunsod ng sunud-sunod na karahasang kinasasangkutan ng mga guro at estudyante sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang sa mga naitalang insidente ang pamamaril sa isang school principal sa Midsayap, North Cotabato ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang nakasakay ang biktima sa kaniyang sasakyan; ang pagpatay sa isang guro ng Grade 11 na estudyante sa Balabagan, Lanao del Sur noong August 4 dahil umano sa bagsak na grado; at ang pamamaril ng isang 18 taong gulang na lalaki sa kaniyang 15-anyos na dating kasintahan sa loob ng classroom sa Nueva Ecija noong August 7.

Mariing kinondena ng DepEd ang mga insidente at nakipag-ugnayan na sa mga awtoridad para sa agarang paghuli sa mga salarin. Nagpaabot din ng tulong pinansyal sa pamilya ng mga biktima at nagbigay ng psychological first aid para sa mga guro at estudyanteng nakasaksi.

Batay sa bagong memorandum ng DepEd, mahigpit na ipatutupad ang security checks sa lahat ng paaralan, kabilang ang inspeksyon ng mga bag at gamit, kontroladong entry at exit points, at pagdaragdag ng security personnel.

Ipinagbabawal ang pagdadala ng armas, patalim, droga, alak at iba pang ipinagbabawal na gamit. Mayroon ding zero tolerance laban sa bullying, gang-related violence, at anumang uri ng karahasan.

Pinalalakas din ang incident reporting at learner support services para sa mental health at psychosocial well-being ng mga kabataan. Itinatakda rin ang mas malapit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at Philippine National Police at ang pagbuo ng localized school safety plans at contingency protocols.

Kasabay nito, naglabas ang Department of the Interior and Local Government o DILG ng Memorandum Circular 2025-072 na nag-uutos sa lahat ng barangay na magtalaga ng mga tanod sa paligid ng mga paaralan. Layunin nitong pamahalaan ang trapiko sa oras ng pasok at uwian, magsagawa ng pagpapatrolya sa loob at paligid ng paaralan, mag-monitor ng banta sa seguridad, at agad iulat ang anumang insidente sa pulisya.

Ang hakbang ng DILG ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante. Inaatasan din ang mga lungsod at munisipalidad na magbigay ng sapat na suporta at kagamitan para matiyak ang maayos na pagpapatupad ng nasabing inisyatiba.