Inirekomenda ng Department of Education kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbabalik ng old school year o June to March calendar sa bansa sa kabila ng panawagan ng mga magulang at guro dahil sa matinding init.

Sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na nagsumite na ang kanilang tanggapan ng liham sa Office of the President na nagpapanukala na iklian ng dalawang buwan ang School Year 2024-2025 upang matapos ito sa March 2025 at maibalik sa dating school break na Abril at Mayo.

Sa naturang panukala, maaapektuhan ang school break ng mga guro gayunding ang mga estudyante.

Aniya, ang mga bata ay maaaring magkaroon ng school work maging sa araw ng Sabado dahil mababawasan ang bilang ng araw ng in-person classes. Apektado rin ang school break ng mga guro gayundin ang kanilang vacation pay.

Ikinatuwa naman ito ng Teachers’ Dignity Coalition o grupo ng mga guro ang naging desisyon ng ahensiya na suportahan agad ang pagbabalik ng dating pasukan sa mga pampublikong paaralan.

Bagamat hindi pa ito pinal at maghihintay pa ng pagpapatibay ng pangulo, nagpapasalamat na ang TDC dahil pinakinggang ng DepEd ang hinaing ng mga magulang, mag-aaral at mga guro.

Nilinaw naman ni Bringas na hindi sakop sa naturang panukala ang mga pribadong paaralan sa bansa.