DEPED, IPINAG-UTOS NA HINDI DAPAT PILITING MAGTRABAHO ANG MGA GURO NG MAHIGIT 6 NA ORAS
Ipinag-utos ng Department of Education o DepEd na hindi dapat piliting magtrabaho ang mga guro ng mahigit sa anim na oras.
Base sa DepEd Memorandum No. 053 na pinirmahan ni Education Secretary Sonny Angara, hindi dapat lalagpas ng 6 na oras ang pagtuturo ng guro.
Kung hindi naman umano maiiwasan ay dapat dalawang oras lamang ang pinakamatagal na overtime kada araw at ito ay dapat may karagdagang bayad.
Kung natapos na ang pagtuturo bago matapos ang 6 na oras, maaaring bigyan ng ibang gawain ang mga guro.
Sinabi ni DepEd Secretary na kung ganito ang sistema, tiyak na magiging patas, transparent at mababayaran ng tama ang mga educator sa bansa.
Una nang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat maging prayoridad ang kapakanan ng mga guro sa buong bansa.
Ang nasabing memorandum ay nakabatay din sa Republic Act No. 4670 ayon sa DepEd.

