DEPED, NAGBABALA LABAN SA PEKENG IMPORMASYON SA UMANO’Y PAGTATANGGAL NG SENIOR HIGH SCHOOL SA 2026

Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa publiko laban sa kumakalat na pekeng impormasyon sa social media na nagsasabing aalisin na umano ang Grades 11 at 12 sa School Year 2026-2027.

Lumaganap kamakailan ang isang graphic post na may logo pa ng DepEd na nagsasaad na “wala nang Grade 11 at 12 simula June 2026,” kasama ang pahayag na may ilang paaralang umano’y nag-abolish na ng K-12 program. Agad itong pinabulaanan ng DepEd at tinukoy bilang “fake news” at “misinformation.”

Sa advisory noong Nobyembre 11, iginiit ng DepEd na hindi sila naglabas ng anumang anunsiyo para alisin ang senior high school at nananatiling umiiral ang Republic Act No. 10533 o K-12 Law. Binigyang-diin ng ahensya na kinakailangan ng bagong batas mula sa Kongreso bago maaaring baguhin o tanggalin ang Grades 11 at 12 sa basic education program.

Sinabi ng DepEd, maraming post ang naglalaman ng clickbait links na nagreredirect lamang sa mga online shopping sites. Hinikayat ng ahensya ang publiko na sumangguni lamang sa kanilang verified social media accounts para sa opisyal at beripikadong impormasyon.

Samantala, hati ang opinyon ng ilang magulang kaugnay ng K-12 program. May ilan na naniniwalang dapat itong alisin dahil dagdag-gastos at dagdag-taon umano ito para sa pamilya.

Sa kabilang banda, naniniwala naman ang iba na mahalagang manatili ang senior high school dahil nakatutulong ito upang maging mas handa at mas mature ang kabataan pagpasok ng kolehiyo.

Dagdag pa nila, kung hindi man makapagpatuloy ng college ang isang estudyante, may sapat na pundasyon at kasanayan itong maaaring magamit sa trabaho.

Kaugnay nito, isang panukalang batas ang inihain ni Sen. Jinggoy Estrada noong Hunyo 5 na naglalayong alisin ang senior high school mula sa K-12 program dahil aniya, “hindi pa rin nito natutupad ang layunin” na makagawa ng skilled at job-ready graduates. Gayunpaman, wala pang aksiyon ang Kongreso sa nasabing panukala, kaya nananatiling ipinatutupad ang kasalukuyang sistema.

Patuloy na pinapaalalahanan ng DepEd ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa online at i-report ang mga nagkakalat ng pekeng balita sa social media.