Opisyal ng inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang DepEd Order 3s. 2024 kung saan ang ika-29 ng Hulyo ang magiging simula ng School Year 2024-2025 at magtatapos naman sa ika-16 ng Mayo taong 2025.
Sa isang panayam ay sinabi ni DepEd Undersecretary Michael Poa na ang adjustment ay kaugnay ng dahan-dahang pagbabalik sa pre-pandemic calendar.
Matatandaang noong nagkaroon ng pandemya, ay nagsimula na ring ma-adjust sa buwan ng Agosto ang simula ng mga klase.
Samantala, lumabas sa survey ng Alliance of Concerned Teachers noong 2023, na 67% ng mga guro ang nakararanas ng “intolerable heat” sa silid-aralan tuwing panahon ng tag-init at buwan ng Marso.
Nakakaapekto umano ito sa pagbaba ng atensyon at pagliban sa klase ng mga mag-aaral.
Maliban sa pagbabalik ng klase sa Hulyo, ay tinitignan din DepEd Undersecretary ang posibilidad na maibalik ang dating regular na pagbubukas ng klase tuwing Hunyo para sa taong 2026 – 2027.
Dagdag pa niya, mananatili pa rin naman ang 179 school days para sa bagong academic calendar.

