Ipinadala na sa Jakarta ang mga legal interrogatories na kailangan ng Regional Trial Court para sagutin ni Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang kamatayan ayon sa Departent of Foreign Affiars o DFA. Ito ay bilang bahagi ng kanyang testimonya sa nakabinbing kaso laban sa kaniyang mga illegal recruiters na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

Sinabi ni DFA Undersecretary Ma. Theresa Lazaro, ang mga ipinasang dokumento ay isinagawa nang bumisita si Indonesian President Joko Widodo sa Pilipinas noong January 10, 2024 para sa isang bilateral meeting kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa layuning palakasin ang ugnayan ng Jakarta at Maynila.

Kaugnay nito, sumulat ng apelang “clemency” ang ina ng Filipino death row convict kay Indonesian President Joko Widodo kasabay ng pakikipagpulong ng huli kay Pangulong Marcos.

Ayon kay DFA Usec Lazaro, nagpahayag ng pag-asa si Pangulong Ferdinand “BBM” Marcos sa pagkakaloob ng clemency para kay Veloso sa tamang panahon.

Aniya, pipilitin ng Philippine Government na matulungan ang Novo Ecijanong Overseas Filipino Worker at ang kanyang pamilya sa abot ng kanilang makakaya.

Ibinalita rin ni Lazaro na ilang araw din na nakasama ni Veloso ang kanyang pamilya noong Disyembre sa tulong ng DFA at Philippine Embassy ng Jakarta.

Matatandaan noong 2010 pa nahuli ang 39-anyos na OFW sa Adisucipto International Airport sa Yogyakarta matapos siyang makuhanan ng mahigit na 2.6 kilo ng heroin.

Noong 2015 ay nabigyan ng temporary reprieve dahilan para pansamantalang maligtas sa parusang kamatayan.

Nanindigan naman si Veloso na wala siyang kinalaman sa laman ng kanyang bagahe dahil ibinigay lamang ito ng kanyang mga illegal recruiter.