Pananagutin o maaaring kasuhan ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang sinumang ospisyal ng barangay na makikisawsaw sa signature campaign o People’s Initiative kaugnay sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, nakatanggap ng report ang kaniyang departamento na nakikisali umano sa signature drive ang mga barangay officials pero nilinaw na wala pa namang reklamong natatanggap ang ahensiya kaugnay dito.

Pinaalalahanan na lang ng kagawaran ang mga opisyal ng barangay na imonitor ang kanilang nasasakupan kung may gumagamit ng pananakot o impluwensiya sa mga residente para mabigyan ng karampatang aksiyon.

Muling binuhay noong Disyembre ang usapin para baguhin ang konstitusyon matapos sabihin ni House Speaker Martin Romualdez na ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay kikilos upang muling isulat ang mga bahagi ng Saligang Batas sa 2024, na may mga pagbabago na nakatuon sa mga probisyon sa ekonomiya na naghihigpit sa foreign ownership o mga dayuhang nais mamuhunan sa bansa.

Sa parehong buwan, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagrepaso sa Charter upang matukoy kung kailangan ng overhaul upang makaakit ng mga dayuhang pamumuhunan.

Komento naman ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, ang benepisyo ng foreign direct investment para sa totoong pag-unlad para sa pagpapalakas ng agrikultura at industriya, ay hindi siya nakasasalay aniya nakasalalay sa cha-cha. Wala umanong ebidensya na ito ang susi sa pag-unlad ng bansa.

Paliwanag ng nasabing research and advocacy group, hindi garantiya na matutugunan nito ang mga problema sa ekonomiya lalo na ang kahirapan sa bansa.

Naglabas naman ng manifesto kontra sa People’s Initiative ang senado na nilagdaan lahat ng senador.

Nakasaad sa manifesto na binasa sa plenaryo ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi papayag ang Senado na patahimikin ang kanilang karapatan kaya muli silang maninindigan bilang huling balwarte ng demokrasya.

Ibinabasura ng mga senador ang anila’y lantarang pagtatangka na labagin ang Konstitusyon ng bansa.