Muling umapela si Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga Local Government Units na istriktong ipatupad ang pagbabawal sa mga tricycle, e-bikes at pedicabs sa mga national road.

Ginawa ni Abalos ang panawagan kasunod ng nangyaring banggaan ng isang pampasaherong bus at tricycle sa national highway sa Labo, Camarines Norte noong Pebrero 4.

Ayon kay DILG Provincial Director Atty. Ofelio A. Tactac, may inilabas ng Memorandum Circular ang kanilang ahensiya noong Pebrero 2020 na nagbabawal sa ganitong uri ng mga sasakyan sa mga highway. Aniya, pwedeng maging exempted ang mga ito kung sakaling walang ibang daanan kundi ang national road.

Sa ilalim ng memorandum circular 2023-195 ng DILG, hiniling sa mga Local Chief Executives na muling ayusin ang kani-kanilang Tricycle Task Force para ma-i-update ang kanilang Tricycle Route Plan na kinabibilangan ng penal provisions para sa sinumang lalabag sa naturang kautusan.

Ngunit gayunpaman, marami pa ring mga lokal na pamahalaan sa bansa ang hindi ipinapatupad ang nasabing regulasyon na kadalasang nauuwi na sa buhul-buhol na trapiko sa kalsada na minsan ay nagdudulot pa ng aksidente.

Batay sa ulat ng Metro Manila Accident and Reporting System, noong 2022, aabot sa 2,829 road accidents ang naitala na kinasasangkutan ng mga bisikleta, e-bikes at pedicabs habang 2,241 road accidents naman sa mga tricycle.

Paliwanag pa ni Abalos, kahit na kinikilala ang kahalagahan ng mga tricycle, pedicabs at e-bike bilang abot-kayang paraan ng transportasyon ay mas prayoridad pa rin aniya ang kaligtasan ng mga tsuper at pasahero nito at maging ang iba pang mga gumagamit ng kalsada.