DIVORCE BILL, DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM

Sa tingin mo, panahon na ba para gawing legal sa Pilipinas ang diborsyo?

Ang Pilipinas at Vatican City ang tanging dalawang bansa sa mundo na nagbabawal sa diborsyo. Ngunit, inaprubahan ng Kongreso ng Pilipinas ang House Bill 9349 o ang “Absolute Divorce Act” sa pinal na pagbasa, kaya may pagkakataon na tuluyang papayagan ang diborsyo sa bansa.

Noong Mayo 22 inaprubahan ng House of Representatives ang pinal na pagbasa ng Absolute Divorce Act matapos itong makatanggap ng 131 affirmative votes, 109 negative votes, at 20 abstentions.

Habang ang ilan ay natuwa sa balita, ang ilan ay tutol pa rin sa panukalang batas at hiwalayan mismo.

Ayon sa ilan, ang diborsyo ay salungat sa paniniwala ng Katolisismo na laging gawing sagrado ang kasal. Sa panahon ng isang banal na kasal ang mga mag-asawa ay hindi lamang nagbibigay ng kanilang mga pangako sa kanilang mga kapareha kundi sa Panginoon din.

Isa sa mga kongresista na bumoto laban sa divorce bill ay si Leyte representative Richard Gomez. Nagbigay din ng pahayag ang kongresista sa ikalawang regular na sesyon ng kongreso noong Mayo 22.

Naniniwala siya na ang batas ay dapat magsilbi sa karamihan ng mga tao na binabanggit na ang Pilipinas ay “largely a Catholic country”.

Humigit-kumulang 78 porsiyento ng mga Pilipino ay Katoliko.

Sa kabilang banda, si Senator Risa Hontiveros, ang may-akda ng Senate Bill 147 o ang Dissolution of Marriage Act, ay naniniwala na ang diborsyo ay magbibigay sa mga kababaihan ng pagkakataong makalaya sa masalimuot at abusadong pagsasama

Sa ulat ng Philstar.com, ipinangako ng punong may-akda ng Absolute Divorce Act na si Rep. Edcel Lagman ng Albay na magiging batas na ang panukalang batas na diborsiyo.

Naniniwala naman si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na mahihirapang makalusot sa Senado ang ang divorce bill.

Sa ngayon aniya’y dikit ang posisyon ng mga senador na pabor at kontra sa panukalang ito, isang linggo matapos niyang ilabas sa media ang isinagawang survey hinggil sa pulso ng mga mambabatas kaugnay ng itinutulak na diborsiyo sa Pilipinas.

Ayon kay Senator Estrada sa isang press conference “talagang dadaan sa butas na karayom,” ang usaping divorce sa senado.

Kaugnay nito, humingi naman ng paumanhin si Estrada sa mga kapwa senador matapos niyang ilabas ang internal survey sa divorce bill.

Ang pagtulak para sa isang batas ng diborsiyo ay nahaharap sa malaking pagtutol mula sa mga relihiyosong grupo, na sinasabing sisira ito ng mga pamilya.

Ayon nga sa Bibliya, sinasabi sa Malakias 2:16 ang saloobin ng Diyos patungkol sa diborsyo. “Nasusuklam ako sa naghihiwalay,’ sabi ng Panginoong Diyos ng Israel.”

Magandang Balita Biblia Marcos 10:9
9 Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”