Panibagong pasakit na naman para sa mga konsumedores ng Cabanatuan Electric Corporation (CELCOR) ang abiso sa pagtaas ng kanilang singil ngayong buwan ng Abril.

Ayon sa mga Cabanatuenong naglabas ng hinaing sa Facebook, taliwas ang lahat ng sinasabi ng mga batas sa kanilang nararanasan dahil patuloy umano ang pagtaas ng kuryente sa lungsod. Isa sa nagpabigat ng kanilang pasanin ang double billing, na nagresulta sa doble bayad sa loob ng isang buwan sa CELCOR.

Batay sa mga impormasyong aming nakalap, nakatanggap ng mga bill ang mga konsumedores noong November 2023 hanggang January 2024 sa loob lang ng 20 days sa halip na 30 days o isang buwan.

Base sa Section 41 ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers, ang meter readings o pagbasa ng metro ay dapat atleast 28 days ang interval o pagitan sa unang bill at hindi lalagpas ng 31 days sa susunod na bill.

Pero aming natuklasan na hindi lahat ng barangay sa Cabanatuan ay naapektuhan ng problema ng double billing.

Paliwanag ng CELCOR sa kanilang anunsyo, natapos na ang kanilang partnership sa isang supplier na hydropower plant noong February 5, 2024 kaya ipatutupad nila ang paggamit ng coal-based na kuryente na mas mataas ang presyo kahit hindi pa aprubado ng ERC ang kanilang petition na magtaas ng presyo.

Alinsunod sa Section 70 of Republic Act No. 9136, kailangan nilang magsagawa ng public bidding upang makapanghikayat ng mga bagong generation companies na magsusuplay ng kuryente.

Habang nakasaad naman sa Section 43b subparagraph 2 sa parehong batas, o mas kilala bilang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001 na kailangang sumailalim muna sa public consultation para malaman kung ang isang electric power industry participant ay nakatugon sa pinakamababang pinansyal na pamantayan upang protektahan ang pampublikong interest.

Ito ay nakasaad din sa Section 4 ng nasabing batas na kinakailangan naman maglaan ng affordable o abot-kayang halaga ng kuryente para sa mga konsumer.

Kaya naman handa nang makikipag-ugnayan sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga consumers ng Cabanatuan para maipabot ang kanilang hinaing sa hindi makatarungang pagtaas ng kanilang bayarin sa Celcor.