DOH HOSPITALS, NAKAALERTO SA 7.2 MAGNITUDE NA LINDOL — NCR AT REGION 3, MAGTUTULUNGAN
Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na handa ang kagawaran sakaling tumama ang “The Big One” o ang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila.
Batay sa contingency plan ng DOH, hinati ang Metro Manila sa apat na quadrant upang maging organisado at mabilis ang pagtugon ng mga ospital sa oras ng sakuna. Mahalaga aniyang alam ng publiko ang mga itinalagang DOH hospitals sa bawat quadrant North, South, East, at West upang agad na makapunta sa pinakamalapit na pasilidad sakaling mangyari ang matinding lindol.
Sinabi ni Herbosa, katuwang ng DOH-NCR sa pagtugon ang mga karatig-rehiyon gaya ng Region 3 (Central Luzon), na magsisilbing suporta kung maaapektuhan ang mga ospital sa Metro Manila. Magpapatupad din ng 10% surge capacity ang mga DOH hospitals upang madagdagan ang bilang ng mga kama, kagamitan, at tauhan.
Tutulong din ang mga ospital mula sa Region 3 at 4A, gayundin ang mga lokal at pribadong ospital sa NCR, upang mapalakas ang pagtugon sa mga pangangailangang medikal sa panahon ng sakuna.
Sa Central Luzon, nagsasagawa na rin ng mga paghahanda ang mga pampublikong ospital bilang bahagi ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) program ng DOH.
Kabilang sa mga pangunahing ospital sa rehiyon ay ang:
- Bataan General Hospital and Medical Center (Balanga, Bataan)
- Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital (San Fernando, Pampanga)
- Bulacan Medical Center (Malolos, Bulacan)
- Tarlac Provincial Hospital (Tarlac City, Tarlac)
- Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (Cabanatuan, Nueva Ecija)
- Zambales Provincial Hospital (Iba, Zambales)
Nilinaw ng DOH na ang mga ospital na ito ay bahagi ng koordinadong sistema ng pagtugon na layong mapabilis ang pagdadala ng tulong medikal sa oras ng malawakang lindol o sakuna.
Mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maagang maghanda ang lahat ng ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko kahit sa panahon ng kalamidad.
Samantala sa Nueva Ecija, iniulat din ng Provincial Health Office na handa ang mga ospital sa lalawigan.
Tiniyak din ng DOH na pasado sa Hospital Safety Index ang mga gusali ng kanilang mga ospital at nakalatag na ang mga emergency contingency plan para sa 7.2 magnitude na lindol.
Kabilang sa mga regular na hakbang ng DOH ay ang pagsusuri sa katatagan ng mga gusali (structural integrity), retrofitting ng mga lumang pasilidad, at pagsasagawa ng mga drill at pagsasanay para sa kalamidad.

