DOH, INIHAIN ANG TOTAL BAN SA VAPE SA GITNA NG PAGTAAS NG MGA USER; ILANG KABATAAN, PABOR

Inihain ng Department of Health ang panukalang total ban sa paggamit at pagbebenta ng vape products sa bansa.

Sa pahayag ng DOH, sinabi na ang e-cigarettes ay may mga kemikal na maaaring magdulot ng cardiovascular disease, cancer, at lung illnesses—mga sakit na kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas.

Naitala rin ang kaso ng isang 26-anyos na namatay matapos gumamit ng vape mula noong siya ay 14 taong gulang. Noong nakaraang taon naman, unang kinumpirma sa bansa ang pagkamatay na may kaugnayan sa vape-associated lung injury o EVALI.

Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na may mga kabataang gumagamit ng vape kahit nasa high school uniform. Tinukoy din niya na ang ilang vape brands ay gumagamit ng flavored at cartoon-style packaging, at ipinapakita ang produkto bilang mas “mild” kumpara sa sigarilyo. Binanggit din niya na may kumpanya na nagpo-promote nito bilang less harmful kaysa traditional cigarettes.

Batay sa Global Youth Tobacco Survey, pito sa bawat sampung kabataan na edad 13 hanggang 15 ang nakagamit na o kasalukuyang gumagamit ng vape. Dahil dito, kinikilala ng DOH ang pagtaas ng vape users sa mas murang edad.

Sa panayam sa dalawang kabataan sa Nueva Ecija, sinabi nilang nagsimula silang mag-vape noong 2024 sa edad na 15. Ayon sa kanila, impluwensya ng barkada ang dahilan at mas pinili nila ang vape dahil mas mabango at hindi matapang kumpara sa sigarilyo.

Inamin nilang hindi nila ganap na alam ang mga panganib sa kalusugan, ngunit alam nilang maaaring magdulot ito ng sakit sa baga. Nabanggit nilang hindi sila tutol sa total ban kung ito ay para sa kalusugan ng kabataan.

Samantala, ilang vape shop ang hindi pumayag na magbigay ng panig at tumanggi sa panayam.

Patuloy naman na pinag-aaralan ng DOH ang total ban sa vape products kasabay ng pagpapatupad ng sin tax sa mga smoke-related items. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang sumusuri sa mas mahigpit na polisiya ukol sa vaping, kasunod ng mga bansang nagpatupad na ng total ban.