DOH, NAGBABALA SA PUBLIKO HINGGIL SA NAKAKAPASONG INIT NG PANAHON
Hindi pa man opisyal na pagsisimula ng summer season, pero damang-dama na ng marami ang matinding init ng panahon.
Dahil dito, nagbigay ng babala ang Department of Health sa publiko hinggil sa mga heat-related illness tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke ngayong papasok na ang bansa sa panahon ng tag-init.
Para maiwasan ang mga nasabing sakit, sinabi ng DOH na palaging uminom ng maraming tubig, umiwas sa iced tea, soda, kape, o mga inuming may alcohol, limitahan ang oras ng paglabas sa pagitan ng 10 AM hanggang 3PM, gumamit ng proteksyon sa araw tulad ng sumbrero, payong, at sunblock at magsuot ng maluwag at magaan na damit.
Natukoy naman ng weather bureau Pagasa noong Lunes ang mapanganib na lebel ng heat index sa Science Garden Quezon City na umabot sa 46°C, Clark Airport, Pampanga na may 46°C at CLSU Muñoz, Nueva Ecija na may 45°C.
Ang heat index ay ang nararamdamang temperature ng isang tao bukod pa sa aktuwal na air temperature. Kapag ang heat index ay umakyat sa 42 hanggang 51 degrees Celsius, itinuturing na itong mapanganib.
Kaugnay nito, inihahanda na ng pamahalaan ang mga plano para sa kaligtasan ng publiko laban sa matinding init ng panahon na nararanasan ngayon ng ilang lugar sa bansa na nagreresulta ng kanselasyon ng klase.
Ayon sa PAGASA, posibleng maramdaman ang opisyal na tag-init sa pagitan ng kalagitnaan ng Marso hanggang Abril.

