DOH, NAMAHAGI NG BAWAT BATA MALUSOG PACKAGES, FIRST AID AT DISASTER PREPAREDNESS KITS SA MGA ESKWELAHAN

Nagpamahagi ng serbisyong medikal ang Department of Health ngayong Brigada Eskwela upang ihanda ang kalusugan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang school personnel bago magbukas ang klase.

Alinsunod ito sa pagpapatibay ng layunin ni Pangulong Bong Bong Marcos na maging lugar din ang mga paaralan sa pagpapanatili ng malusog na pamumuhay ng mga kabataan at ng mga nangangasiwa nito.

Pinangunahan ni Secretary Ted Herbosa ang pagbibigay ng serbisyong kalusugan sa Brigada Eskwela Kick-Off sa Bacacay East Central School, Albay, Bicol.

Kaisa aniya ng Department of Education ang DOH upang tiyakin ang kalusugan at kahandaan ng bawat paaralan, guro at estudyante sa pagbubukas ng klase ngayong taon.

Hinandugan ng kagamitang pangkalusugan at serbisyong medical ang kinilalang walaumpo’t tatlong natatanging paaralan na Kampeon ng Kalusugan sa buong bansa.

Nakatanggap sila ng Bawat Bata Malusog packages na naglalaman ng mga gamit tulad ng blood pressure monitor, timbangan, first aid kits, at iba pang gamit sa kani-kanilang school clinics.

Mayroon ding teacher’s self-care kits at exercise and sports kit para sa kinilalang Last Mile Schools, at karagdagang disaster readiness kit, bilang paghahanda sa anumang sakuna.