DOH: PAGKAING MAAALAT, MATABA, MATAMIS, IWASAN NGAYONG KAPASKUHAN

Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na iwasan o kung hindi man ay huwag kainin ngayong Kapaskuhan ang mga pagkaing “MA” o masyadong maalat, mataba at matamis upang hindi malagay sa peligro ang kalusugan.

Sinabi ni DOH Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo na ito ang kadalasang naging sanhi ng ibat ibang sakit gaya ng altapresyon, diabetes, at iba pang non communicable diseases.

Kasama ring iniuugnay rito ang isyu ng overweight at obesity na nagdudulot ng problema sa puso at iba pang bahagi ng katawan.

Para maging ligtas ang kalusugan ngayong holiday season, pinayuhan ni Domingo ang mga Pinoy na sundin ang tamang pagkain, mag-ehersisyo at magkaroon ng disiplina sa katawan.

Hinihikayat din ng ahensiya na sundin ang pinggang Pinoy na sapat lamang ang pagkain, gaya ng gulay, kalahati o 1/4 cup ng kanin, karne at prutas, at maghinay-hinay sa pagkain.

Siguraduhin din na malinis, sariwa at maayos ang pagkakaluto ng mga i-sha-sharon o i-take home ng mga pagkain ngayong Kapaskuhan upang hindi masira ang tiyan.