Hinikayat ng Department of Health ang mga paaralan na bigyang prayoridad ang mga kondisyon ng mga mag-aaral sa gitna ng matinding init ng panahon na nararanasan sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Tayag, dapat lang na unahin ang mga kalagayan ng mag-aaral at tingnan kung kakayanin ba nilang mag face to face classes sa napakainit na panahon.

Kasabay nito,sinang-ayunan ng kalihim ang ilang hakbang ng mga Local Government Units na magsuspinde ng in-person classes at pansamantalang magpatupad ng alternative delivery modes para sa kapakanan ng mga estudyante.

Sinabi naman ng Department of Education na maaari nang magdesisyon ang mga school heads kung kailangang suspedihin ang face to face classes sa kani-kanilang paaralan dahil sobrang init sanhi ng epekto ng El Nino phenomenon.

Inihayag din ng DOH na maaaring magsuot ng komportableng damit na naaayon sa dress codes upang mabawasan ang init na kanilang nararamdaman habang nasa loob ng silid-aralan.

Sa patuloy na epekto ng El Nino sa bansa, base sa suvey ng Alliance of Concerned Teachers- National Capital Region Union, 77 percent ng mga guro sa pampublikong paaralan ng NCR ay hindi na nakayanan ang matinding init.

Pinayuhan ni Tayag ang mga eskwelahan na magbukas ng bintana at hinimok ang mga mag-aaral na uminom ng maraming tubig upang hindi sila made-hydrate. Umaasa rin ang DOH na may maayos na bentilasyon ang mga paaralan.

Nagbabala rin si Tayag na ang heat stroke ay nakamamatay kapag ang biktima ay hindi nakatanggap ng agarang lunas o hindi agad madala sa hospital.

Sa kanilang health advisory, ipinaalala ng DOH ang mga sumusunod na first-aid tips sakaling makaranas ng heat stroke ang isang tao:

  • ilipat ang indibidwal sa mas malamig o malilim na lugar
  • alisin ang damit na nakadaragdag ng init sa katawan
  • maglagay ng cold compress sa kili-kili, leeg, likod at singit
  • pagbabarin ang indibidwal sa malamig na tubig kung kinakailangan

Samantala, ilang mga paaralan sa Visayas at Mindanao ang nagsuspinde ng kanilang klase noong April 1 at 2, 2024 dahil sa mataas na heat index condition sa lugar.