DOH: SILING LABUYO, TAWA-TAWA AT BAYABAS, HINDI PA NAPAPATUNAYANG GAMOT LABAN SA DENGUE

Nagbabala ang Department of Health sa mga kumakalat online tungkol sa mga halamang makakatulong umano upang mapagaling ang isang pasyente na may sakit na dengue.

Nilinaw ng DOH na ang mga halamang tawa-tawa, bayabas at siling labuyo ay hindi pa napapatunayan bilang gamot sa naturang sakit kaya naman pinag-iingat ang publiko sa paggamit nito.

Sinabi ni Dr. Kim Patrick Tejano, medical officer IV ng DOH-Disease for Elimination and Vector-borne Diseases, hindi inirerekomenda ng mga eksperto ang mga naturang mga halaman upang gamiting panlunas sa dengue.

Inihayag pa ni Tejano na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nadidiskubreng remedyo sa naturang karamdaman na nakukuha sa kagat ng lamok.

Kaugnay nito ay inirekomenda ng DOH na hanapin at sirain ang mga tubig na pinamumugaran ng lamok gayundin ang pagsusuot ng damit na may mahabang manggas at pantalon, pagpahid ng mosquito repellant lotion at spray sa balat para makaiwas sa kagat ng lamok.

Pinayuhan din ng kagawaran ang sinuman na kaagad kumonsulta sa doctor kapag makararanas ng mga sintomas ng dengue tulad ng pagkakaroon ng mataas ng lagnat, pananakit ng ulo, pagsakit ng kalamnan, pananakit ng tiyan pagdurugo ng ilong sa paghupa ng lagnat at pagpapantal.

Sa datos na inilabas ng DOH, pumalo na sa 70,498,197 ang dinapuan ng dengue sa bansa habang nasa 197 na ang bilang ng mga nasawi hanggang nitong June 1, 2024.

Mahigpit namang binabantayan ng ahensiya ang bilang ng mga bagong kaso ng dengue kada linggo dahil sa muli na namang tumataas ang mga kaso sa bansa.