Pinukpukan sa 1st Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na pumirma sa isang kasunduan bilang kinatawan ng Provincial Government ng Nueva Ecija sa pagitan ng Department of Labor and Employment-Region III para sa DOLE Integrated Livelihood Program o KABUHAYAN Program partikular sa implementasyon ng “Livelihood Vending Cart and Rice Retailing”.

Ayon kay Public Employment Service Officer Ma. Luisa Pangilinan, sa ilalim nito ay pagkakalooban ng kolong-kolong o rolling store ang 120 benepisyaryo na magtitinda ng mga lutong ulam habang bigasan naman para sa 120 pang benepisyaryo ng programa.

Ang bawat pangkabuhayan na ipagkakaloob sa bawat isa ay nagkakahalaga ng Php25, 000.

Sinabi ni Pangilinan na may kabuuang halaga na Php5, 000, 000 ang ipagkakaloob ng DOLE habang may 20% naman ng kabuuang halaga ang counterpart ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga trainings, handling at iba pang miscellaneous expenses.

Hindi man daw nangangako ang DOLE at provincial government ngunit kalimitan na kapag napalago ng benepisyaryo ang ipinagkaloob sa kanilang negosyo ay maaari pa silang muling maging kabahagi ng iba pang ibabang mga programa bilang pandagdag para mas mapalawak pa ang kanilang negosyo.

Noong nakaraang taon ay dalawang beses ding nagbaba ng livelihood assistance ang DOLE sa lalawigan kaya naman nagpapasalamat si Pangilinan sa patuloy na pagkakaloob ng pangkabuhayan at mga programa para sa kapakinabangan ng mga Novo Ecijano.

Nagpasalamat din ito kina Governor Aurelio Umali, Vice Governor Anthony Umali at bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan sa patuloy na pagsuporta sa lahat ng mga programa ng kanilang tanggapan at agarang aksyon para mapabilis ang pagkakaloob ng tulong sa mamamayan.