DOST, CLSU, GUMAWA NG MABILIS NA TEST KIT LABAN SA LEPTOSPIROSIS AT SCHISTOSOMIASIS; DOH AT PHO, BANTAY-SARADO SA TUMATAAS NA KASO NG SAKIT

Nakabuo ang mga eksperto mula sa Central Luzon State University (CLSU) at Department of Science and Technology (DOST) ng makabagong test kit na kayang tukuyin agad kung may leptospirosis o schistosomiasis sa tubig-baha.

Tinawag na Schist-On-Site at Lept-On-Site ang mga kit na ito. Kayang maglabas ng resulta sa loob lamang ng 10 hanggang 45 minuto gamit ang isang makabagong paraan ng pagsusuri. Hindi na kailangang dalhin ang mga sample sa laboratoryo dahil puwede na itong gawin mismo sa mga lugar na binabaha.

Sinabi ni Aldrin Corpuz ng CLSU, malaking tulong ang teknolohiyang ito para agad malaman kung ligtas bang tawirin ang tubig-baha. Ipinaliwanag niya na mas mapapawi nito ang pangamba ng mga tao sa pagpasok sa trabaho o paaralan. Malaking tulong din ito sa Department of Health (DOH) para mas mabilis matukoy kung may banta ng outbreak sa isang lugar.

Plano ng CLSU na ibenta ang bawat kit sa mga lokal na pamahalaan sa halagang P4,000. Sa ngayon, isinasailalim na ang mga kit sa field testing at inaayos ang permit mula sa Food and Drug Administration o FDA.

Batay sa datos ng DOH, mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7, 2025 ay naitala ang 2,396 kaso ng leptospirosis. Nagbukas na ang mga ospital ng “leptospirosis fast lanes” para agarang matugunan ang mga pasyente, at naka-alerto ang lahat ng DOH hospitals dahil sa sunod-sunod na pagbaha dulot ng habagat at mga bagyo.

Batay sa ulat ng Provincial Health Office – Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PHO-PESU), umabot na sa 86 na kaso ng Leptospirosis sa Nueva Ecija mula January 1 hanggang July 29, 2025 kung saan ang Lungsod ng Cabanatuan ang may pinakamataas na kaso ng naturang sakit. Labinglima ang naiulat na nasawi mula sa mga bayan ng Guimba (2), Santa Rosa, San Jose (2), Muñoz, Zaragoza, Cabanatuan, Gen. Natividad (2), Gapan City, Talavera, Quezon, at Rizal.

Patuloy naming mino-monitor ng PHO-PESU ang mga kaso ng leptospirosis at regular na ini-uulat ang datos sa program coordinator at mga provincial doctor upang maagapan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso.

Ang leptospirosis ay impeksiyong mula sa ihi ng hayop gaya ng daga na humahalo sa tubig-baha at maaaring magdulot ng lagnat, pananakit ng katawan, pagsusuka, at pinsala sa bato. Samantala, ang schistosomiasis ay sakit na dulot ng parasite mula sa maruming tubig na maaaring makasira sa atay.

Sa harap ng patuloy na banta ng mga sakit na dala ng baha, umaasa ang mga eksperto na makakatulong ang bagong test kit upang mas mabilis matukoy ang panganib at maprotektahan ang mga komunidad.