DPWH, 22 CLASSROOMS LANG ANG NAITAYO NGAYONG 2025; BACKLOG POSIBLENG UMABOT SA 200,000 SA 2028

Binatikos ni Senador Bam Aquino, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos nitong aminin na 22 silid-aralan lamang ang naitayo sa buong bansa ngayong 2025, malayo sa target na 1,700 classrooms.

Sinabi ni Aquino, kung magpapatuloy ang ganitong kabagal na pagpapatayo, aabot sa 200,000 classrooms ang kakulangan pagsapit ng 2028, na magiging malubhang problema sa edukasyon ng bansa.

Idinagdag ni Aquino na sobrang taas umano ng presyo ng konstruksyon ng DPWH na P3.5 milyon bawat classroom, samantalang tinatayang P2 milyon o mas mababa lamang ang aktwal na halaga ng isang matibay at ligtas na silid-aralan. Dahil dito, duda ang senador na may overpricing at sobra sa disenyo ang ilang proyekto ng ahensya.

Aminado naman si DPWH Secretary Vince Dizon na nakakabahala ang mababang bilang ng mga natapos na silid-aralan. Nangako siyang sisiyasatin ang dahilan ng pagkaantala at makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) para mapabilis ang konstruksyon.

Isinusulong ngayon ni Aquino ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na layuning alisin sa DPWH ang tungkulin sa pagpapatayo ng mga paaralan at ibigay ito sa mga LGU at NGOs na mas mabilis kumilos.

Nanawagan si Aquino sa Kongreso, Senado, DepEd, at publiko na magtulungan para maipasa ang panukala. Aniya, kung hindi agad mapupunuan ang kakulangan sa silid-aralan, lalo lang lalaki ang problema ng mga paaralan sa mga susunod na taon.