DR. PJGMRMC, MAGIGING TAKBUHAN NG MGA PASYENTENG NANGANGAILANGAN NG MATAAS NA URI NG GAMUTAN
Pinagtibay sa 3rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na pumasok sa isang kasunduan sa pagitan ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (Dr. PJGMRMC) para maging end referral hospital sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Dra. Josefina Garcia, Provincial Health Officer II, sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement magiging takbuhan ang PJGMRMC ng lahat ng mga pasyenteng nangangailangan ng mas mataas na uri ng gamutan, eksaminasyon at laboratoryo na manggagaling sa mga District Hospital sa probinsya.
Sinabi din Dra. Garcia na ang mga pampublikong pagamutan na pinatatakbo ng Pamahalaang Panlalawigan ay mga level 3 hospitals na nangangailangan ng tulong mula sa level 1 hospital na tulad ng PJG para maihatid ang panlalawigang sistema ng serbisyong pangkalusugan.
Ang pagpasok din ani Garcia sa kasunduan ay kabilang sa kinakailangang dokumento para sa licensing ng mga pagamutan, at para sa Universal Health Care dahil isa na rin aniyang Integration Site ang lalawigan na nasa preparatory phase na bilang bagong kasapi ng UHC.
Matatandaan naman na nauna na ring inapruabahan noong nakaraang taon ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdevelop ng Electronic Referral Network program sa naturang pagamutan upang maging mas mabilis ang referral o paglilipat dito ng mga pasyente.

