DRT – DINGALAN BYPASS ROAD, MAG-UUGNAY AT MAGPAPABILIS NG BYAHE MULA BULACAN, NUEVA ECIJA PATUNGONG AURORA
Isang bagong daan ang binubuo sa gitna ng kabundukan, ito ay ang Doña Remedios Trinidad (DRT) – Dingalan Bypass Road na layuning paikliin ang biyahe at pag-ugnayin ang mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, at Aurora.
Sinimulan ang proyekto noong Enero 2024, at batay sa pinakahuling datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 noong Oktubre ng nakaraang taon, nasa 22.64% na ang natatapos sa bahagi ng DRT sa Bulacan.
Sabay na ginagawa ang magkabilang dulo ng bypass road, mula sa bayan ng DRT at mula sa Dingalan, Aurora.
Ayon sa DPWH Region 3, may kabuuang haba na 67.93km ang proyekto na magmumula sa DRT, Bulacan, dadaan sa bundok ng Sierra Madre, tatawid sa General Tinio sa Nueva Ecija, at magtatapos sa Dingalan, Aurora.
Kapag natapos ang proyekto, inaasahang bababa mula sa 300km kung sa DRT Highway dadaan, tungo sa 68km ang byahe sa pagitan ng Bulacan at Aurora.
Base sa pagtataya ng DPWH, unti-unting mabubuksan sa publiko ang ilang bahagi ng daan sa DRT na 19.27km, at sa Dingalan na 10.20km sa taong 2028.

