Nakatakdang tumanggap ng mga bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa darating na buwan ng Setyembre ngayong taon.
Sinabi ni Director Gemma Gabuya, pinuno ng 4Ps National Program Management Office o NPMO, na may 200,000 pamilyang benepisyaryo ng 4Ps ang awtomatikong ga-graduate sa programa.
Ang pagtanggal sa mga benepisyaryo ay alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 11310 o ang 4Ps Law. Dito nakasaad na ang mga kwalipikadong pamilyang benepisyaryo ay maiaalis na sa programa kapag umabot na sa 19 taong gulang ang huling anak sa pamilya at nakamit na ang self-sufficiency level sa ilalim ng 4Ps.
Upang matiyak na hindi babalik sa kahirapan ang mga nag-exit sa programa, ang DSWD ay nakikipagtulungan sa National Advisory Council na binubuo ng mga pambansang ahensiya at mga Local Government Units na maaaring makapagbigay ng oportunidad sa pangkabuhayan, educational at cash asssistance sa 1.2 milyong exiting beneficiaries o maaalis sa listahan ngayong taon.
Inaasahan na mayroong nasa 200,000 na pamilya ang mga papasok na bagong benepisyaryo ng 4Ps na magmumula sa kasalukuyang listahan ng mga nailagay sa waiting list ng ‘Listahanan 3’ o ng National Household Targeting System for Poverty Reduction.
Sa DSWD-Nueva Ecija, ayon kay Provincial Partnerships Officer Christer Carrandang, nasa 20,000 households ang nakatakdang mag –exit sa nasabing programa hanggang sa buwan ng Hunyo 2024.
Ang 4Ps ay isang national poverty reduction strategy na programa ng gobyerno na nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga mahihirap.

