Matagumpay na nakapagdaos ng bloodletting ang Aerox Club Philippines-Nueva Ecija na ginanap sa Philippine Red Cross Cabanatuan City Chapter, bilang paggunita sa kaarawan ng Ama ng Lalawigan Governor Aurelio Umali.
Nilahukan ito ng 55 na mga riders mula sa iba’t ibang bayan at siyudad ng Nueva Ecija, maging ang Aerox Club Pampanga Chapter.
Nakalikom ng 21 units o blood bags at mayroon ding nag donate na mga nag-walk-in na boluntaryong nagkaloob ng kanilang dugo para makapagligtas ng buhay.
Ayon sa Red Cross napakahalaga ng Blood Donation sa lalawigan dahil bawat pasyente na nangangailangan ng dugo ay kailangan ng 2 hanggang 3 bags ng dugo.
Kailangan umano ng 1 porsyento ng populasyon na mag donate ng dugo na aabot sa mahigit 20 libong bags.
Ang buwan umano ng Enero ang isa sa pinakamahirap makakuha ng mga blood donors lalo na at katatapos lamang ng holiday season at abala pa ang mga organization para makapag donate.
Ayon naman sa Pangulo ng Aerox Club Phil. Nueva Ecija na si Looney Fernando, dahil sa kakulangan ng pangangailangan ng dugo ay minabuti nilang regular na magkaroon ng ganitong charity na pang 4 na beses na nilang ginagawa para kahit papaano ay mapunan ang kakulangan sa dugo sa lalawigan at handog pasasalamat narin sa kaarawan ni Gov. Oyie sa walang sawang suporta nito sa mga aktibidad ng kanilang grupo.
Para naman sa pangulo ng ACP PAMPANGA na si Christian Sulit na pang limang beses na niyang nakapag donate ng dugo, nakatulong kana sa kapwa ay maganda pa sa ating katawan ang pagbibigay ng dugo na inihalintulad niya sa kanyang motorsiklo na kailangan din ng change oil para maalagaan ang makina nito at hindi masisira.
Ipinagpapasalamat ng grupo ng ACP NUEVA ECIJA sa Kapitolyo, sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Looney, at ng kanyang Pangalawang Pangulo na si Rommel Mercado ang Mobile Kusina na laging kaagapay sa lahat ng aktibidad, at sa pagpapagamit ng Freedom Park at ng sound system mula sa LSI.
Dagdag pa ang pagpapagamit ng Nueva Ecija Coliseum sa isinagawang kauna-unahang sportfest ng Aerox Club Phils. Nueva Ecija kung saan naglaban laban ang apat na distrito ng Nueva Ecija.

